Magsisimula ako sa isang personal na karanasan. Dati’y inis
na inis ako sa mga magulang at anak na Inglisan nang Inglisan, lalo na sa harap
ng madla. Nakakainis. Ang aarte! Palibhasa kasi’y laki ako sa isang pamilyang
wala naman gaanong kaya, ngunit nagsumikap magtaguyod ng sariling pamumuhay sa
tulong na rin ng maraming tao at ng Maykapal. Marurunong naman kaming
mag-Ingles dahil nakapag-aral sa magagandang pamantasan, ngunit Filipino ang
usapan sa bahay. Ang ama kasi ay tubong Laguna at ang ina naman ay Bulakeña. At
Pilipinas ito, hindi Amerika. Sabi ko sa sarili ko: “`Pag ako nagka-anak, hindi
ganyan.”
`Di nagtagal ay kinain ko rin ang aking mga salita. Nagkaroon
ako ng sariling anak, isang taon matapos ikasal sa aking nobya. Laking Tundo si
misis, ako nama’y taga-QC. Sa umpisa’y Filipino ang usapan sa bahay. Pragmatiko
naman kami, kaya’t nagkasundo kaming dapat matatas pareho sa Filipino at Ingles
ang aming magiging anak. Sa madaling salita, iba ang naging resulta.
Palibhasa’y kapwa subsob sa karera, wala kami pareho sa bahay buong araw tuwing
araw ng trabaho. Iyon pala’y walang ibang pinanood ang unico hijo namin kundi Disney
Junior simula nang matuto siyang humawak ng remote (dahil na rin ayaw namin siyang manuod masyado ng teleserye
na siyang gawain ng kasambahay). Ang laki pala talaga ng impluwensya ng mga
palabas na Mickey Mouse Clubhouse, Hi-5, at Thomas and Friends sa isang paslit kahit pa may ABS-CBN at GMA. Ilang
buwan pa ay hindi na makaintindi ng Filipino ang aming anak. Isang araw,
paggising nami’y Inglisan na kami nang Inglisan. Ang mga kinamuhian namin dati
ay naging kami.
mula sa vintagedisneymemorabilia.blogspot.com |
Tinanggap naming mag-asawa iyon, siguro dahil na rin ganoon
ang mga kapitbahay, ang mga kaibigan. Ginusto na rin siguro namin. Nagiging upwardly mobile kami. Kailangan ang
Ingles dahil lahat sa preschool
nag-i-Ingles. So, sige, sabi ko, okey
lang. Isang araw, ako’y nagulantang. Nag-uwi ang anak ng mga pagsusulit.
Matataas ang mga marka, halos perpekto. Nakita ko ang marka sa Filipino.
Mataas! Okey. Hanggang sa binasa ko ang mga tanong. Sa sobrang Inglesero nitong
anak ko, `di ako nakapaniwalang nasagot niya ang mga ito nang walang anumang
tulong. At duon ko nalaman na sa paaralan pala niya’y kapag `di mo naintindihan
ang tanong sa eksam, isasalin ito ng guro sa Ingles. Sabi ko, ‘Teka, may mali.’
Kasi nuong ako ang nasa Grade 1, mani ang Filipino. `Di na nga kailangang
mag-rebyu e. Ngayon, baligtad. Isang gabi naman, `di niya natapos ang homework. Paano, `di niya naintindihan
ang ibig sabihin ng mga salitang “gansa,” “tandang,” “inahing manok,” “butiki,”
atbp. Kaya `di niya maibigay kung ano ang tunog ng mga hayop na iyon, na siyang
simpleng tanong sa libro. Filipino, hindi math,
hindi science, ang pinakamahirap na
aralin! Ilang ulit ko man sabihin na mag-aral siyang mag-Filipino, marahil ay
huli na. Ingles na ang unang lenggwahe niya. Ingles na siya mag-isip. Kahit
kausapin mo ng Filipino, Ingles ang sagot sa iyo. Kahit `di Amerikano, may twang. Mas diretso pa nga mag-Ingles sa
akin.
Gaya ng nasabi na, pragmatiko ako. Mahalaga ang Ingles para
makipagsapalaran sa mundo. Ngunit `di maiwasang malungkot o manghinayang na sa
sariling bansa, mas may pagpapahalaga sa wikang banyaga. Ingles ang gamit ng bata
sa guro at magulang, Filipino naman sa kasambahay o kalaro sa kalye. Nabalewala
(taken for granted) ang Filipino. Mas
lubos kong naiintindihan ngayon ang saloobin ng diskursong post-kolonyal at ang
kaakibat na kilusang linggwistiko. `Di ko namalayan, ang pamamahay ko pala’y
nadomina na ng komersyal na interes ng isang banyagang korporasyon (“The
Walt Disney Company”). Tunay ngang napakalawak pa rin ng impluwensya ng
Kanluran kahit dekada na ang pagsasariling pulitikal ng bansa—sa pamamahala,
ekonomiya, edukasyon, at higit sa lahat, kultura. Iyon bang pagkakakilanlan
natin bilang mga Pilipino at bilang isang bansang Pilipinas ay laging nakasalig
sa banyagang kultura? Nandito ang puwang para sa pag-aaral na post-kolonyal.
Malaki ang ambag at ang magigi pang ambag nito sa mahaba at `di pa tapos na
prosesong pagtataguyod ng isang bansang may sariling pagkakakilanlan. Ang
post-kolonyalismo ay isang critique,
at ang pagiging mapanuri ay kailangan `di lamang ng mga nasa poder na
nagpapalakad sa pamahalaan at kalakalan, kundi pati na rin ng masang babad sa kultura
ng Hollywood. Hindi dahil ito ang dikta ng global
elite ay susunod na ang lahat. Ano ba ang interes ng bansa?
Sa kabilang banda’y aaminin kong kay hirap lunuking
buong-buo ang mga prinsipyo ng post-kolonyal na diskurso. Kailangan bang iwaksi
ang mga bagay na tinanggap na ng Pilipino bilang bahagi ng kanyang pagkatao?
Halimbawa’y Kristiyanismo. At oo, ang kagalingan sa Ingles. Sanay ako sa Ingles
bilang mamamahayag at patnugot. Iiwan ko na ba ito sa ngalan ng pagtataguyod ng
pambansang pagkakakilanlan? Sa palagay ko, ang Pinoy ay dapat matutong iwaksi
ang mga masasamang dulot ng mga siglong kolonyal at pagyamanin naman ang mga
magagandang bunga nito—ang pagkakabuo ng isang bansa, pamilya, pananampalataya,
atbp. Masalimuot ang kasaysayan ng bansa, gaya ng iba pang mga nasakop, ngunit
dapat tayong makipagkasundo dito para na rin sa ating kapakanan.
* * *
Ito ang una kong blog sa Wikang Filipino. `Di naman ako
gaanong nahirapan ngunit aaminin ko na may ilang salita sa Ingles na ang
katumbas sa Filipino ay napunta sa dulo ng dila ko. Buti na lang may diksyunaryo
sa Google. Nag-isip din ako kung wasto ang aking gamit sa “nang” at “ng”.
Pumurol na pala sa balarila. E kasi nga, ako man ay kulang sa pagpapahalaga sa
Filipino. Ngunit kapansin-pansin na mas mahaba ang naisulat ko dito ngayon gamit
ang sariling wika. Dapat nga pala talagang huwag alisin ang Filipino sa
kolehiyo. Maigi na ring nabuhay ang isyung ito kaakibat ng usapin sa sistemang
K to 12, para na rin maipaalala sa marami, lalo na sa mga Inglisan nang
Inglisan sa harap ng madla, na may sarili tayong wikang dapat gamitin (kahit
minsan!) at pagyamanin.