Friday, June 27, 2014

Blog #5: Dominasyon ng Disney


Magsisimula ako sa isang personal na karanasan. Dati’y inis na inis ako sa mga magulang at anak na Inglisan nang Inglisan, lalo na sa harap ng madla. Nakakainis. Ang aarte! Palibhasa kasi’y laki ako sa isang pamilyang wala naman gaanong kaya, ngunit nagsumikap magtaguyod ng sariling pamumuhay sa tulong na rin ng maraming tao at ng Maykapal. Marurunong naman kaming mag-Ingles dahil nakapag-aral sa magagandang pamantasan, ngunit Filipino ang usapan sa bahay. Ang ama kasi ay tubong Laguna at ang ina naman ay Bulakeña. At Pilipinas ito, hindi Amerika. Sabi ko sa sarili ko: “`Pag ako nagka-anak, hindi ganyan.”

`Di nagtagal ay kinain ko rin ang aking mga salita. Nagkaroon ako ng sariling anak, isang taon matapos ikasal sa aking nobya. Laking Tundo si misis, ako nama’y taga-QC. Sa umpisa’y Filipino ang usapan sa bahay. Pragmatiko naman kami, kaya’t nagkasundo kaming dapat matatas pareho sa Filipino at Ingles ang aming magiging anak. Sa madaling salita, iba ang naging resulta. Palibhasa’y kapwa subsob sa karera, wala kami pareho sa bahay buong araw tuwing araw ng trabaho. Iyon pala’y walang ibang pinanood ang unico hijo namin kundi Disney Junior simula nang matuto siyang humawak ng remote (dahil na rin ayaw namin siyang manuod masyado ng teleserye na siyang gawain ng kasambahay). Ang laki pala talaga ng impluwensya ng mga palabas na Mickey Mouse Clubhouse, Hi-5, at Thomas and Friends sa isang paslit kahit pa may ABS-CBN at GMA. Ilang buwan pa ay hindi na makaintindi ng Filipino ang aming anak. Isang araw, paggising nami’y Inglisan na kami nang Inglisan. Ang mga kinamuhian namin dati ay naging kami.

mula sa vintagedisneymemorabilia.blogspot.com
Tinanggap naming mag-asawa iyon, siguro dahil na rin ganoon ang mga kapitbahay, ang mga kaibigan. Ginusto na rin siguro namin. Nagiging upwardly mobile kami. Kailangan ang Ingles dahil lahat sa preschool nag-i-Ingles. So, sige, sabi ko, okey lang. Isang araw, ako’y nagulantang. Nag-uwi ang anak ng mga pagsusulit. Matataas ang mga marka, halos perpekto. Nakita ko ang marka sa Filipino. Mataas! Okey. Hanggang sa binasa ko ang mga tanong. Sa sobrang Inglesero nitong anak ko, `di ako nakapaniwalang nasagot niya ang mga ito nang walang anumang tulong. At duon ko nalaman na sa paaralan pala niya’y kapag `di mo naintindihan ang tanong sa eksam, isasalin ito ng guro sa Ingles. Sabi ko, ‘Teka, may mali.’ Kasi nuong ako ang nasa Grade 1, mani ang Filipino. `Di na nga kailangang mag-rebyu e. Ngayon, baligtad. Isang gabi naman, `di niya natapos ang homework. Paano, `di niya naintindihan ang ibig sabihin ng mga salitang “gansa,” “tandang,” “inahing manok,” “butiki,” atbp. Kaya `di niya maibigay kung ano ang tunog ng mga hayop na iyon, na siyang simpleng tanong sa libro. Filipino, hindi math, hindi science, ang pinakamahirap na aralin! Ilang ulit ko man sabihin na mag-aral siyang mag-Filipino, marahil ay huli na. Ingles na ang unang lenggwahe niya. Ingles na siya mag-isip. Kahit kausapin mo ng Filipino, Ingles ang sagot sa iyo. Kahit `di Amerikano, may twang. Mas diretso pa nga mag-Ingles sa akin.

Gaya ng nasabi na, pragmatiko ako. Mahalaga ang Ingles para makipagsapalaran sa mundo. Ngunit `di maiwasang malungkot o manghinayang na sa sariling bansa, mas may pagpapahalaga sa wikang banyaga. Ingles ang gamit ng bata sa guro at magulang, Filipino naman sa kasambahay o kalaro sa kalye. Nabalewala (taken for granted) ang Filipino. Mas lubos kong naiintindihan ngayon ang saloobin ng diskursong post-kolonyal at ang kaakibat na kilusang linggwistiko. `Di ko namalayan, ang pamamahay ko pala’y nadomina na ng komersyal na interes ng isang banyagang korporasyon (“The Walt Disney Company”). Tunay ngang napakalawak pa rin ng impluwensya ng Kanluran kahit dekada na ang pagsasariling pulitikal ng bansa—sa pamamahala, ekonomiya, edukasyon, at higit sa lahat, kultura. Iyon bang pagkakakilanlan natin bilang mga Pilipino at bilang isang bansang Pilipinas ay laging nakasalig sa banyagang kultura? Nandito ang puwang para sa pag-aaral na post-kolonyal. Malaki ang ambag at ang magigi pang ambag nito sa mahaba at `di pa tapos na prosesong pagtataguyod ng isang bansang may sariling pagkakakilanlan. Ang post-kolonyalismo ay isang critique, at ang pagiging mapanuri ay kailangan `di lamang ng mga nasa poder na nagpapalakad sa pamahalaan at kalakalan, kundi pati na rin ng masang babad sa kultura ng Hollywood. Hindi dahil ito ang dikta ng global elite ay susunod na ang lahat. Ano ba ang interes ng bansa?

Sa kabilang banda’y aaminin kong kay hirap lunuking buong-buo ang mga prinsipyo ng post-kolonyal na diskurso. Kailangan bang iwaksi ang mga bagay na tinanggap na ng Pilipino bilang bahagi ng kanyang pagkatao? Halimbawa’y Kristiyanismo. At oo, ang kagalingan sa Ingles. Sanay ako sa Ingles bilang mamamahayag at patnugot. Iiwan ko na ba ito sa ngalan ng pagtataguyod ng pambansang pagkakakilanlan? Sa palagay ko, ang Pinoy ay dapat matutong iwaksi ang mga masasamang dulot ng mga siglong kolonyal at pagyamanin naman ang mga magagandang bunga nito—ang pagkakabuo ng isang bansa, pamilya, pananampalataya, atbp. Masalimuot ang kasaysayan ng bansa, gaya ng iba pang mga nasakop, ngunit dapat tayong makipagkasundo dito para na rin sa ating kapakanan.

* * *

Ito ang una kong blog sa Wikang Filipino. `Di naman ako gaanong nahirapan ngunit aaminin ko na may ilang salita sa Ingles na ang katumbas sa Filipino ay napunta sa dulo ng dila ko. Buti na lang may diksyunaryo sa Google. Nag-isip din ako kung wasto ang aking gamit sa “nang” at “ng”. Pumurol na pala sa balarila. E kasi nga, ako man ay kulang sa pagpapahalaga sa Filipino. Ngunit kapansin-pansin na mas mahaba ang naisulat ko dito ngayon gamit ang sariling wika. Dapat nga pala talagang huwag alisin ang Filipino sa kolehiyo. Maigi na ring nabuhay ang isyung ito kaakibat ng usapin sa sistemang K to 12, para na rin maipaalala sa marami, lalo na sa mga Inglisan nang Inglisan sa harap ng madla, na may sarili tayong wikang dapat gamitin (kahit minsan!) at pagyamanin.


No comments:

Post a Comment